Posibleng mag-isyu ang Department of Agriculture (DA) ng panibagong sugar order para pahintulutan ang pag-aangkat ng 200,000 metric tons (MT) ng imported na asukal.
Ayon kay Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., ikinukonsidera niyang aprubahan ito sa buwan ng Hulyo.
Paliwanag ng kalihim, layon nitong mapunan ang gap o ang inaasahang magiging kakulangan sa suplay sa mga buwan ng Agosto at Setyembre.
Sa pamamagitan ng importasyon ng asukal, masisiguro aniya na magiging sapat ang suplay at manatiling stable ang presyo ng asukal sa merkado.
“Dapat by September may arrival tayo na at least 200,000MT, for the gap before the harvest and refining,” ayon sa kalihim.
Oras na mailabas na ang bagong sugar order sa Hulyo, pararatingin ang imported na puting asukal bago mag-harvest season sa Oktubre, para hindi maapektuhan ang mga local producer. | ulat ni Merry Ann Bastasa