Muling nanawagan ang Office of Civil Defene (OCD) sa iba’t ibang ahensya gayundin sa mga Lokal na Pamahalaan na paigtingin ang ginagawang pag-iimbentaryo sa mga pampublikong gusali lalo na iyong mga higit na kinakailangan sa panahon ng sakuna.
Ito ang binigyang diin ni OCD Administrator, USec. Ariel Nepomuceno kasunod na rin ng isinagawang symposium ngayong araw sa Kampo Aguinaldo sa bisperas ng 2nd Nationwide Simultaneous Earthquake Drill bukas, June 28.
Ayon kay Nepomuceno, lubhang napakahalaga na malaman kung kakayanin ng mga pampublikong gusali lalo na sa Greater Manila Area gaya ng mga Ospital, Paaralan, mga tanggapan ng Gubyerno at Lokal na Pamahalaan, gayundin ang pribadong gusali ang pagtama ng malakas na lindol.
Kasunod nito, umapela ang OCD sa Japan International Coopearation Agency (JICA) na tulungan ang Pilipinas sa pagpopondo para matapos ang ginagawang imbentaryo sa mga pampublikong gusali.
Iginiit din ni Nepomuceno na kailangang mahigpit ding maipatupad ang Building Code of the Philippines para sa mga itatayong gusali upang matiyak na handa nitong labanan ang malakas na pagyanig sakaling tumama ang Magnitude 7.2 na lindol. | ulat ni Jaymark Dagala