Muling tiniyak ni US Defense Secretary Lloyd Austin kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro, ang “ironclad commitment” ng Estados Unidos na ipagtanggol ang Pilipinas kasunod ng huling pang-haharass ng China sa lehitimong resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong June 17.
Ang pagtiyak ay ginawa ni Sec. Austin sa kanyang pakikikipag-usap sa telepono kay Sec. Teodoro kahapon.
Ayon sa statement ng US Department of Defense (DOD), pinagusapan ng dalawang opisyal ang kahalagahan ng pagtiyak ng karapatan ng lahat ng bansa na maglayag, lumipad, at mag-operate ng ligtas at responsable saan man pinahihintulutan ng international law.
Kapwa tiniyak rin ng dalawang opisyal ang kanilang commitment na palakasin ang alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos bilang pagsuporta sa nagkakaisang “vision” para sa isang bukas at malayang Indo-Pacific Region.
Kasama dito ang pagpapaigting ng koopersyon sa mga “Like-minded partners”, information sharing, pagpapalakas ng kapabilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at pamumuhunan sa “US rotational force posture” sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). | ulat ni Leo Sarne