Mas mababa ang bilang ng leptospirosis cases na naitala ng Department of Health (DOH) simula January 1 hanggang June 15 ngayong taon, kung ikukumpara noong 2023.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, nasa 878 cases ito. Wala pa sa kalahati ng bilang ng leptospirosis cases na naitala noong nakaraang taon.
“Sa ating pagmu-monitor mula January 1 hanggang June 15 or iyong sinasabing morbidity week 24, ang bilang ng leptospirosis sa buong bansa ay umabot na ng 878 cases. Ito po ay nasa half pa lang naman ng ating 2023 numbers – that’s the good news.” -Asec. Domingo
Bagamat maganda ang datos na ito, ang nakakabahala aniya ay ang mga naitatalang kaso nitong nakalipas na lima hanggang anim na linggo.
“Tumataas na iyong bilang ng mga kaso dahil panahon na rin ng tag-ulan. Sinabi ng PAGASA na pumasok ang tag-ulan natin mga middle of May ‘di ba, start of June at sumasakto siya – so, kailangan maging ready na tayo.” -Asec. Domingo
Mula kasi sa anim na kaso, mabilis aniya itong umangat sa 60 at ngayon ay nasa 83 na.
Sa gitna na rin aniya ito ng mga nararanasang pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Pero ang medyo kami po ay nababahala na at kailangan na nating maging alerto is tumataas na po siya. Sa nakaraan na anim na linggo mula sa anim noong last five to six weeks ago, naging 60 siya, tumaas from six to 60, and then iyong pinaka-latest two weeks natin, 83 cases for that particular interval.” -Asec Domingo.
Dahil dito, pinayuhan ni Asec Domingo ang publiko na maging alerto at maghanda, sa mga mararanasan pang pag-ulan at pagbaha sa bansa.
“Ang hawa ng leptospirosis karaniwan ay nasa ihi ng daga dahil po iyong bacteria, kapag umihi iyong daga sa tubig-baha – kaya nakikita na po ng ating kababayan ‘no – kapag lumusong sa baha, maaari itong pumasok sa ating balat lalo na kung may sugat. Iyong mga naliligo po sa baha kaya hindi ho magandang gawain iyan ‘no, kasi iyong ating mata, iyong ating bibig, iyong ating ilong puwede rin iyan pasukan ng leptospira. Ang sintomas – lagnat, pagsakit ng ulo, maaaring maduwal at may pananakit sa katawan.” —Asec Domingo. | ulat ni Racquel Bayan