Mula sa tatlong taon, ipinapanukala ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na gawing limang taon na ang validity ng lahat ng mga Professional Identification Cards (PIC) na binibigay ng Professional Regulation Commission (PRC).
Ayon kay Estrada, malaking kaginhawaan ito para sa mga professional sa bansa dahil hindi na madalas ang kanilang renewal transactions at mas mapapadali pa ang pagkuha ng appointment sa kanilang napiling petsa at satellite office o service center.
Dagdag pa dito, mababawasan rin aniya ang gastos sa pagre-renew ng PICs at makapagbibigay pa ito ng sapat na panahon para sa mga propesyunal na tuparin ang kanilang Continuing Professional Development (CPD) requirements.
Pinunto ng mambabatas na kahit pa may online services ang PRC, may ilang propesyonal na nakararanas ng problema sa pagkuha ng appointment sa kanilang napiling petsa para sa renewal ng kanilang PIC kaya’t napipilitan pa silang magbiyahe sa malayong satellite office o service center ng PRC.
Bukod dito, kinakailangan pa nilang mag-leave sa trabaho para makumpleto ang proseso dahil ang renewal ay ginagawa lamang mula Lunes hanggang Biyernes.
Kasalukuyang nasa ₱420 hanggang ₱450 ang binabayaran sa pag-renew ng PICs na valid lang sa loob ng tatlong taon. | ulat ni Nimfa Asuncion