Ibinahagi ni Solicitor General Menardo Guevarra sa Radyo Pilipinas na ang kumpirmasyon ng NBI na sina Guo Hua Ping at Alice Leal Guo ay iisa ang inaantabayanan nilang “breakthrough” sa kanilang imbestigasyon.
Ayon kay Guevarra, malaking tulong sa kanilang imbestigasyon ang kumpirmasyon na iisang tao lang sina Guo Hua Ping at Alice Guo.
Dahil aniya dito ay mas bibilis ang pag-usad ng kanilang legal action laban sa alkalde.
Paliwanag ni Guevarra, sa oras na maipanalo ng OSG ang kaso laban kay Guo ay mapapatalsik ito sa pwesto at hindi na makakatakbo sa anumang public office.
Hindi naman masagot ni Guevarra sa ngayon kung anong kahihitnatnan ng citizenship ni Guo sa oras na tuluyang makansela ang birth certificate nito.
Kinumpirma na ni Dir. Jaime Santiago ng National Bureau of Investigation ang inilabas na ulat ni Sen. Risa Hontiveros na iisa lamang ang fingerprint ni Mayor Alice Guo at isang Guo Hua Ping. | ulat ni Lorenz Tanjoco