Posibleng ipatigil na ng organizer ng BOSS Ironman Motorcycle Challenge ang taunang event nito kasunod ng pagkasawi ng dalawang non-participant noong Pebrero.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation nitong Huwebes, inusisa ni La Union Representative Paolo Ortega ang BMW Owners’ Society of Safe Riders (BOSS) kung ano ang plano nito matapos dalawa ang nasawi sa 2024 BOSS Ironman Motorcycle Challenge dahil sa kapabayaan at overspeeding ng participating riders
Punto ng mambabatas, ang kalsada sa Pilipinas ay hindi angkop para sa mga event gaya ng BOSS Ironman Motorcycle Challenge (BIMC).
“Anong plano ng BOSS after these incidents, ‘tong mga nangyari na hindi kanais-nais, ano po ang move nila, what’s their next move kasi definitely po may risk talaga kapag nasa open road tayo, alam naman po natin ‘yan,” tanong ni Ortega.
Tugon ni BOSS President Joseph Tan matapos ang unang aksidente sa San Juan, La Union ay nais na ng board na itigil ang event subalit hindi nila alam kung papaano ito gagawin.
“Walang kapalit ‘yong buhay eh, so as the president and with the board, we are strongly thinking or contemplating the event, not to push through,” sabi ni Tan.
Pinalinaw naman ni 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez kung ang ibig nitong sabihin ay hindi na itutuloy ang 2025 Challenge o tuluyan nang ititigil ang event.
“Is the president of BOSS saying na hindi matutuloy lamang yung 2025 or are they considering a permanent desistance from hosting any BIMC in the future? And second ang sabi pa lang po nila is that they are contemplating hindi pa po ito final po ano?” tanong ni Gutierrez.
Sagot ni Tan wala nang event sa 2025 at sa mga susunod na taon, maliban na lang kung makagawa sila ng bagong format.
Batid aniya nila na malaki na ang pinagbago ng sitwasyon sa mga kalsada sa Pilipinas, labimpitong taon na ang nakalipas kung saan dumami na ang sasakyan at mga motor ngayon.
Sa loob ng 24 oras ang mga kalahok sa BOSS Ironman Motorcycle Challenge ay kailangang bumiyahe ng 1,200 kilometro sa itinakdang ruta. | ulat ni Kathleen Jean Forbes