PAGCOR, hinikayat ng mga senador na pangalanan ang ex-cabinet member na sangkot sa pagbibigay ng lisensya sa mga iligal na POGO

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hinikayat ng mga senador ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na pangalanan na ang sinasabing dating miyembro ng gabinete na nauugnay sa pagbibigay ng lisensya sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Ginawa ng mga senador ang panawagan matapos ang rebelasyong ito ng PAGCOR sa pamamagitan ng isang pahayag nitong weekend.

Ayon kay Senate President Chiz Escudero, dapat pangalanan ng PAGCOR ang naturang opisyal, kung hindi ay ang mga komite na pinamumunuan nina Senador Risa Hontiveros at Senador Sherwin Gatchalian ang tutukoy sa sinasabing dating government official.

Giit ni Escudero, ito ay para hindi lahat ng dating mataas na opisyal ng pamahalaan ay paghinalaan at para na rin malaman kung may nalabag itong batas.

Ganito rin ang pananaw ni Senate Minority Leader Koko Pimentel.

Sinabi ni Pimentel na dapat ibunyag ang pagkakakilanlan ng sinasabing dating high-ranking government official para maging patas sa lahat ng mga naging miyembro ng gabinete at para na rin madepensahan nito ang kanyang sarili.

Binigyang-diin naman ni Senador Joel Villanueva na kailangang malaman ng taumbayan ang katotohanan at panagutin ang mga nagtutulak sa ating bayan sa kaguluhan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion