Kinumpirma ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na dumaan sa bisinidad ng Ayungin Shoal kahapon ang tinatawag na “monster ship” ng Chinese Coast Guard.
Ayon kay Trinidad, tina-track ng Armed Forces of the Philippines ang pagkilos ng pinakamalaking barko ng Chinese Coast Guard, at maging ang “general picture” ng mga pwersa ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) at Chinese Maritime Militia sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Trinidad na sa huling ulat kahapon, nakahimpil na ang naturang “monster ship” sa Mischief Reef, na ginawang Naval Base ng China.
Paliwanag ni Trinidad na ang Mischief Reef ay nagsisilbing parang garahe ng mga barko ng China, kaya inaasahang bumabalik ang mga ito doon matapos mag-patrolya.
Ito aniya ang “normal pattern” ng mga pwersa ng China sa WPS, at walang nakikitang kakaibang pagkilos ang AFP. | ulat ni Leo Sarne