Inaasahang aabot sa ₱2.6-trillion ang papasok sa Pilipinas kada taon kung mag-a-adopt ang mga negosyo ng Artificial Intelligence (AI) Powered Solutions.
Ito ang inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasunod ng muling pagtitiyak ng kanilang suporta sa paglulunsad ng National AI Strategy Roadmap 2.0 gayundin ng Center for AI Research (CAIR).
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, malaki ang maitutulong ng paggamit ng AI sa pagpapaunlad ng mga negosyo gaya ng sa retail, logistics, manufacturing, at financial services.
Sa ganitong paraan, sinabi ni Balisacan na mapatatatag nito ang kakayahan ng pamahalaan sa digital transformation gayundin ang pagsusulong sa local innovation.
Kasunod nito, sinabi ni Balisacan na makatutulong ang AI Roadmap para suportahan ang mga posibleng mawalan ng trabaho sa pamamagitan ng upskilling, reskilling, at training. | ulat ni Jaymark Dagala