Hanggang “canvas” o pagtatanong muna ng presyo ng school supplies ang ginagawa ng ilang mga magulang sa Marikina Public Market.
Ito’y kasunod na rin ng inaasahang pagsisimula ng enrollment period gayundin ang mga paghahanda sa nalalapit na pasukan.
Ayon sa mga nagtitinda ng school supplies, matumal pa ang bentahan ngayon at inaasahan na nila ito lalo’t batid nilang hirap din ang mga magulang kung paano pagkakasyahin ang kanilang budget.
Kung may mamili man anila, paisa-isa lamang subalit tiwala silang lalakas ang kanilang benta, isang linggo bago ang pasukan.
Batay sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI), nasa 30 school supply items ang kumpirmadong tumaas ang presyo.
Ang notebook halimbawa, nasa ₱20 ang pinakamura habang ang lapis ay nasa ₱11 ang kada piraso.
Kaya payo ng mga nagtitinda, kung may sobra naman ay maaari nang mamili ng maaga upang hindi na masabay sa dagsa ng mga mamimili sa mga susunod na araw. | ulat ni Jaymark Dagala