Inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kanilang pagpapahalaga sa malasakit ng mga kilalang international celebrity, tulad ni Leonardo DiCaprio, sa pangangalaga ng kalikasan sa Pilipinas.
Ito ay kasunod ng panawagan ni DiCaprio kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang Masungi Georeserve sa Rizal.
Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng DENR na walang sinuman ang nakaliligtas sa batas.
Patuloy anilang paiigtingin ang pagpapatupad ng mga regulasyon at batas pangkalikasan.
Sa ngayon ay kasalukuyang iniimbestigahan ang kaso ng Masungi Georeserve Foundation, kasama ang mga may-ari nito na lumagda sa Joint Venture Agreements at Supplemental Agreement para sa mga proyekto ng pabahay ng pamahalaan.
Nilinaw ng DENR na ang lupa na inookupahan ng Masungi Georeserve Foundation ay pagmamay-ari ng mga Pilipino, at ang paniningil sa publiko para sa mga day tour, meeting, at kasal sa kanilang resort venue ay hindi naaayon sa mga batas. | ulat ni Diane Lear