Pinalawig ng Manila Electric Company (Meralco) ang kanilang kampanya laban sa pagnanakaw ng mga metro ng kuryente.
Ito ay dahil sa dumaraming insidente ng pagbebenta ng mga nakaw na metro at mga kable ng kuryente sa online platforms.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, aktibo silang nakikipagtulungan sa Philippine National Police at iba pang ahensya ng pamahalaan upang agad na maaksyunan ang mga iligal na gawain na ito.
Batay sa datos ng Meralco, umabot na sa 1,131 na metro ang naitalang ninakaw mula Enero hanggang Hunyo 2024. Ito ay mas mataas ng 63 percent kumpara sa 695 metrong naitalang ninakaw noong kaparehong panahon noong 2023.
Nagbabala ang Meralco sa mga nagbabalak na magnakaw ng mga metro dahil may mga palatandaan ang mga ito para matukoy na pagmamay-ari ng kumpanya.
Hinihikayat din ng Meralco ang publiko na i-report ang mga ganitong insidente sa kanila at sa mga awtoridad upang maiwasan ang mga posibleng aberya sa serbisyo ng kuryente, at masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Ang pagnanakaw at pagbebenta ng mga nakaw na metro ay may kaukulang parusa sa ilalim ng Anti-Electricity and Electric Transmission Lines Act of 1994. | ulat ni Diane Lear