Aminado ang Department of Agriculture (DA) na makakaapekto sa rice importation at gayundin sa presyo ng bigas ang posibleng pag-iisyu ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa Executive Order (EO) 62 o tapyas taripa sa imported na bigas.
Matatandaang naghain ang ilang grupo ng magsasaka ng petisyon sa Korte Suprema para hilingin ang pagpapalabas ng TRO sa EO62.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, kung matutuloy ito, posibleng magresulta ito sa delay pagdating sa rice importation sa bansa at maantala rin ang inaasahang pagbaba ng retail price ng bigas sa merkado.
Paliwanag nito, maaaring mag-alinlangan ang mga importer kung magkakaroon ng TRO na siya namang makakaapekto sa suplay ng bigas sa bansa.
Sa kabila nito, tiniyak ni De Mesa na nakahanda naman ang gobyerno na tugunan ang posibleng implikasyon ng TRO.
Tinukoy nito ang bumababa nang presyo ng bigas sa international market at ang inaasahang pag-alis na rin sa export ban ng India.
Sa kasalukyan, naglalaro pa sa ₱47-₱51 ang kada kilo ng imported regular milled rice sa Metro Manila habang nasa ₱52-₱55 naman ang kada kilo ng well-milled rice. | ulat ni Merry Ann Bastasa