Alas-6 ng umaga nang magsimula ang bentahan ng murang bigas dito sa tanggapan ng National Irrigation Administration (NIA) sa EDSA Diliman, Quezon City.
Kabilang ito sa 10 pilot Kadiwa sites na bahagi ng pinalawak na implementasyon ng bentahan ng bigas sa halagang ₱29 kada kilo sa mga miyembro ng 4Ps, solo parent, at senior citizen.
Nasa 100 sako ng tig-50 kilo ng well milled na bigas mula sa National Food Authority (NFA) ang nakakamada na sa loob ng NIA parking lot.
May nakasalansan na ring tig-5 kilo ng bigas na ibebenta sa bawat mamimili.
Ang mga nagtutungo rito, kinakailangang magpresenta ng ID, pinapalista ang pangalan, at binibigyan ng stub.
Isa sa maagang nakabili rito si Tatay Demetrio, isang senior citizen na sinadya raw ang pagpunta rito matapos itong mabalitaan kahapon.
Ayon sa kanya, malaking tulong para sa kanilang mga senior na wala nang pinagkakakitaan ang alok na murang bigas.
Emosyonal namang nagpasalamat si Nanay Amelia kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagkakataon na makabili ng murang bigas ang mga mahihirap na Pilipino.
Inaasahan namang tututukan ni NIA Administrator Eduardo Guillen ang pag-aragkada ng ₱29 Program sa tanggapan ngayong araw. | ulat ni Merry Ann Bastasa