Nagsampa ng reklamong plunder si dating Senador Antonio Trillanes IV sa DOJ kaugnay sa umanoy maanomalyang pagbibigay ng kontrata sa tatay at kapatid ni Senador Christopher Lawrence Bong Go.
Sa 30-pahinang reklamo ni Trillanes na isinumite sa DOJ, sinabi niya na 184 na kontrata ang ibinigay ng nakalipas na administrasyon kina Deciderio Lim Go at Alfreso Armero Go, ang tstay at kapatid ng senador.
Umabot aniya sa 6.6 billion pesos ang halaga ng kontrata na nakuha ng mga Go sa kabila na hindi kuwalipikado ang mga ito dahil sa limitadong kakayanang pinansiyal at operational capacity.
Bukod pa ito sa kabiguang matapos ng kumpanya ng mag-amang Go ang hinawakan nilang mga proyekto.
Sinabi ni Trillanes na posibleng madamay rin ang ibang malalaking kumpanya na kasama ng mga Go.
Pinaliwanag naman ng dating senador na sa DOJ siya naghain ng reklamo at hindi sa Ombudsman dahil sa madali ang access nito sa mga dokumento at impormasyon na magmumula sa kaukulang mga ahensiya ng gobyerno para sa imbestigasyon sa isyu. | ulat ni Michael Rogas