Inirerekomenda ni Senate Committee on Basic Education Chairperson Senator Sherwin Gatchalian kay incoming Education Secretary Sonny Angara na rebyuhin ang 2025 proposed budget ng Department of Education (DepEd) na ipapasa sa Kongreso.
Ayon kay Gatchalian, ito ay para matiyak ni Angara na ang magiging budget ng ahensya sa susunod na taon ay nakalinya sa mga programa na nais nitong palakasin sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Sa kabilang banda, bilang matagal ring naging Chairperson ng Senate Committee on Finance si Angara ay tiyak naman si Gatchalian na bubusisiin nito ang 2025 budget ng DepEd.
Kung si Gatchalian aniya ang tatanungin, kabilang sa mga nais nitong pagtuunan ng pondo ng education department ang mga programa sa mas maigting na pagtuturo ng pagbabasa at pagbibilang sa mga estudyanteng Pinoy.
Kasama na aniya dito ang para sa national learning camp at sa pagtitiyak na magkakaroon ng libro ang bawat mag aaral.
Iginiit ng senador, na makakatulong ito para mapabuti ang score ng pilipinas sa PISA (Programme for International Student Assessment).
Pinatututukan rin ni Gatchalian ang pagbuo na ng Teacher Education Council (TEC) na mandatong paghusayin ang mga guro sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion