Tinangkilik ng mga nais makatipid ng murang bigas na alok sa Kadiwa Center sa BFCT sa Marikina.
Pasado alas-8 ng umaga nang magsimula ang bentahan ng bigas na nanggaling pa sa warehouse ng National Food Authority (NFA) na buhat pa sa Batangas.
Sinaksihan ni Agriculture Undersecretary Roger Navarro ang paglulunsad ng ₱29 Program kasama ang mga taga-NFA at ang mga kinatawan mula sa Marikina LGU.
Para sa proseso, kinakailangan munang magpresenta ng I.D. ang bibili at pagkatapos nito ay bibigyan sila ng stub.
Tuwang-tuwa ang mga benepisyaryo ng ₱29 per kilo na bigas na sinamantala ang pagkakataon para bumili sila ng limang kilo dahil marami sa kanila ang maaga pa lang ay nakapila na.
Kasama sa mga bumili ng murang bigas ay mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Senior Citizen, Persons With Disabilities (PWDs), at mga Solo Parent. | ulat ni Jaymark Dagala