Pinarangalan ng Youth Leadership Role Model Award ng Rotary Club ng Makati sa kanilang ika-59 na induction Ball Ceremony si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual para sa naging makabuluhang kontribusyon nito at kanyang papel sa pagbibigay inspirasyon sa mga kabataan sa Pilipinas.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Sec. Pascual ang kanyang paniniwala sa potensyal ng kabataan, na tinawag niyang “torchbearers of innovation, integrity, and inclusive growth.”
Binanggit din nito na ang pampublikong serbisyo ay tulad ng isang relay race kung saan bawat henerasyon ay nagtataguyod sa gawain ng mga nauna sa kanila upang makamit ang tagumpay.
Hinikayat din ng Trade Chief ang mga kapwa tagapaglingkod sa gobyerno na yakapin ang diwa ng pagtutulungan at dedikasyon. Binigyang-diin nito na ang pamumuno ay tungkol sa positibong impluwensya na nagagawa nito sa iba.
Ang nasabing award na iginawad ng Rotary Club of Makati kay Sec. Pascual ay isa sa mga prestihiyosong pagkilala na ibinibigay nito sa mga indibidwal na nagpakita ng natatanging pamumuno at makabuluhang ambag sa lipunan.| ulat ni EJ Lazaro