Bumuo na ng isang Special Investigation Task Group (SITG) ang Police Regional Office 9 para tutukan ang imbestigasyon kasunod ng nangyaring pagsabog ng mga paputok sa Brgy. Cabatangan sa Zamboanga City.
Ito’y kasunod ng nangyaring “premature detonation” habang nagsasagawa ng firecracker disposal sa mga nakumpiskang paputok, ilang linggo matapos ang nangyaring pagsabog sa isang warehouse sa lungsod noong Hunyo.
Ayon kay Police Regional Office 9 Spokesperson, PLt.Col. Helen Galvez, nananatiling kritikal ang apat na miyembro ng Regional Explosive and Canine Unit-9 at tatlong tauhan ng Philippine Coast Guard.
Habang nakalabas na ng ospital ang iba pang miyembro ng disposal team gayundin ang pitong sibilyang nadamay sa pagsabog.
Maliban sa mga nasaktan, nasa 12 ari-arian din ang napinsala ng pagsabog.
Kasalukuyang nagsasagawa ng assessment ang Pulisya sa lugar upang matukoy ang kabuuang lawak ng pinsala. | ulat ni Jaymark Dagala