Nanghihinayang si House Tax Chief at Albay Representative Joey Salceda sa mga repormang naipatupad ng Marcos Jr. administration pagdating sa POGO kung matuloy ang total ban sa naturang industriya.
Kasunod ito ng pahayag ni Finance Secretary Ralph Recto na plano niyang irekomenda kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpatupad na ng total ban sa POGO.
Sinabi ni Salceda na naging matagumpay naman ang administrasyon sa paghabol sa mga iligal na POGO.
Katunayan dahil sa mas mahigpit na pagpapatupad ng PAGCOR ng batas ay mas tumaas ang koleksyon ng fee at tax sa mga POGO.
Tinukoy nito na noong nasa 158 ang licensees ng POGO ay nasa ₱2.99 billion lang ang bayad na nakolekta sa fees, ngunit sa ngayon na mayroon na lamang 87 ay tumaas pa ang koleksyon sa ₱5.17 billion.
Noon ring kasagsagan aniya ng POGO noong 2019 kung saan mayroong 298 licensees ay nakakolekta lang ng ₱6.42 billion na buwis ngunit ngayon na mayroon lang 87 internet gaming licensees ay umakyat pa ito sa ₱10.3 billion.
“If you close down the whole sector, the aliens, the existing POGO clientele, and the hardware and investments already made will have nowhere to go but the illegal sector. It’s going to be a disaster we are ill-equipped to address. Our law enforcement does not have the resources, the capabilities, or even the training to infiltrate and apprehend an expanded black market for gaming,” sabi ni Salceda.
Maliban dito umonti na lang din ang mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa POGO.
Katunayan sa ngayon nasa 25,000 ang mga Pilipino ang direktang POGO employees at nahigitan na rin aniya ng mga Vietnamese ang mga Chinese nationals.
Ayon pa aniya sa PAGCOR, sa 100,000 indirect offshore online gaming workers, 65,000 dito ay mga Pilipino at 30,000 ang foreign nationals.
Muli naman nitong iminungkahi sa economic team at kay Sec. Recto na gamitin ang nakokolektang internet gaming tax sa intelligence gathering laban sa mga iligal na POGO.
“Here’s my suggestion to my friend, Secretary Recto, and the economic team: Let’s plow back some of the increased internet gaming tax revenues on improved law enforcement, especially in intelligence gathering and infiltration. The best time for it is the upcoming budget season, when we return from our session break,” dagdag ni Salceda. | ulat ni Kathleen Jean Forbes