Nagpaabiso ang Manila Electric Company (MERALCO) sa kanilang mga customer na bahagyang maaantala ang pagdating ng kanilang July 2024 billing sa unang bahagi ng buwang ito.
Ayon sa MERALCO, ito ay dahil sa kinakailangan nilang makipag-ugnayan sa Energy Regulatory Commission (ERC) hinggil sa singilin sa Generation Charge ngayong Hulyo.
Dahil dito, sinabi ng MERALCO na magsasagawa sila ng adjustment sa due date ng billing ng kanilang mga customer upang bigyan sila ng sapat na panahon para makapagbayad.
Magugunitang ipinagpaliban ng MERALCO, Quezon Power Philippines, San Buenaventura Power Ltd. Co. at South Premiere Power Corporation ang pagpasa nila ng ₱500 milyong Generation Charge sa kanilang mga customer para maibsan ang epekto ng pass-through charges.
Una nang pinagbigyan ng ERC ang utay-utay na pagbabayad ng mga distribution utility gaya ng MERALCO sa mga binili nilang kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil sa pagnipis ng suplay ng kuryente noong tag-init. | ulat ni Jaymark Dagala