Pinuri ni Quezon City Councilor Alfred Vargas ang mga programa ng Department of Justice (DOJ) sa pagsugpo sa problema ng human trafficking sa bansa, kaugnay sa naiulat na Tier 1 status ng Pilipinas sa Trafficking in Persons Report ng U.S. government.
Sa naunang pahayag, iniulat ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na mas determinado ang pamahalaan na usigin ang mga nanamantala sa mga Pilipino, lalo na ang mga vulnerable sectors tulad ng mga bata at kababaihan.
“We will never stop nor slow down our campaign against human traffickers until every single one of them falls in the hands of justice,” pahayag ng kalihim.
Ayon kay Vargas, ang Tier 1 status ng bansa ay salamin ng pagpupursige ng DOJ na protektahan ang mga Pilipino sa pang-aabuso, lalo na ang mga bata laban sa online sexual abuse at exploitation.
Kaakibat din umano nito ang mas pinaigting na pag-imbestiga sa mga kaso ng human trafficking, paglitis at pag-convict ng traffickers sa mga korte, pagtulong sa mga biktima, pagpasa ng mga agarang polisiya, at pagpapalakas sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
“Nararapat ding kilalanin ang IACAT na pinamumunuan ng masipag nating USec Nicholas Felix Ty. The body has been very active, lalong-lalo na laban sa mga napabalitang massive human trafficking network ng mga ilegal POGO, kung saan mayroong mga nasilip na kidnapping, torture, at murder,” dagdag ni Vargas. | ulat ni Merry Ann Bastasa