Sinegundahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr. ang hamon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Pastor Apollo Quiboloy na harapin ang mga reklamong ibinabato laban sa kaniya.
Sa inilabas na pahayag, binigyang diin ng Kalihim ang kahalagahan na matulungan ang mga biktima ng pang-aabuso upang ihatid sa kanila ang katarungang nararapat.
Naniniwala rin si Abalos na sa pamamagitan ng pag-aalok nila ng malaking pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng Pastor ay makahihikayat ang iba pang mga nananahimik na biktima na lumantad at magsalita na.
Giit pa niya, magpapatuloy at magpapaulit-ulit lamang ang pang-aabuso kung ipagsasawalang bahala ito kaya’t hindi dapat hayaan ang anumang hakbang upang maliitin o babalewalain ang mga paratang.
Sa huli, sinabi ni Abalos na dapat magkaisa ang lahat upang makamit ng mga biktima ang katarungan at upang matamo rin ng bansa ang isang mas ligtas na Pilipinas sa hinaharap. | ulat ni Jaymark Dagala