Siniguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakatutok ang pamahalaan sa pagpapa-unlad ng iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Kabilang na dito ang Region IV-A.
Sa distribusyon ng Presidential Assistance sa Batangas, sinabi ng Pangulo na mula pa noong nakaraang taon hanggang ngayong 2024, nakapagbigay na ng halos P10 bilyong ang pamahalaan para sa Philippine Rural Development Plan sa rehiyon.
“Sa larangan naman po ng agrikultura, naglaan tayo ng halos sampung bilyong piso para sa Philippine Rural Development Plan sa CALABARZON na naglalayong isulong at paunlarin ang isang moderno at climate-smart na sektor ng agrikultura at pangisdaan sa rehiyon.” – Pangulong Marcos Jr.
Kabilang sa mga ginagawang proyekto sa rehiyon ay ang Taal Lake Circumferential Road at Lobo Malabrigo–San Juan Laiya Road.
Kabilang rin ang Quipot Irrigation Project at Macalelon Irrigation Project sa Quezon, na malapit na aniyang matapos.
Sabi ng Pangulo, iba-iba man ang pinagdaraanang pagsubok ng bawat Pilipino magagawa itong lampasan ng bansa kung magtutulong-tulong ang mga ito.
“Kaya po makaaasa kayo na patuloy po namin kayong aalalayan. Sama-sama tayong maglakbay tungo sa isang mas masaganang bukas — ang bukas ng Bagong Pilipinas Mabuhay ang ating mga magsasaka! Mabuhay ang ating mangingisda! Mabuhay ang Batangas! Mabuhay ang Quezon! Mabuhay ang Bagong Pilipinas!” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan