Maaaring lumobo pa sa P25 hanggang P27 bilyon ang kakailanganing pondo para sa itinatayong bagong gusali ng Senado sa Taguig City.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Accounts, inamin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na dahil sa inflation ay posibleng tumaas ang gastos sa konstruksyon ng 20 to 30 percent.
Pero sa pagtaya naman ni Committee on Accounts Chairperson Senador Alan Peter Cayetano, maaari pang pumalo sa P29 billion ang gastos sa konstruksyon dahil posibleng umakyat ng 25 to 30 percent ang inflationary cost dagdag pa ang pagtaas ng sweldo ng mga manggagawa.
Pinaliwanag naman ni Cayetano, na nirerepaso pa nila ang ibang gastos sa gusali lalo na sa ibang aspeto na aniya’y masyadong mahal.
Gaya na lang ng catwalk na nagkakahalaga ng P443 million at ang facade na aabutin ng P900 million.
Pinasusumite ni Cayetano ang DPWH ng bagong cost estimate batay sa presyo ng mga materyales ngayong taon.
Nais din ng senador na bumuo ng bagong organizational chart para mas maging mabilis ang paggawa ng mga desisyon sa mga gagawin pa sa gusali. | ulat ni Nimfa Asuncion