Isinusulong ni Senador Robin Padilla ang pag-amyenda sa Vape Law (RA 11900) para mapatawan ng mahigpit na parusa ang paggamit ng bagong hexahydrocannabinol (HHC) vape.
Ihinain ni Padilla ang Senate Bill 2729, kung saan niya ipinunto na ang HHC ay semi-synthetic cannabinoid na maaaring magdulot ng “anxiety” at “paranoia.”
Ipinaliwanag ni Padilla na dahil sa tumataas na popularidad ng vaping sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan, kailangang maisama sa batas ang pagpaparusa sa mga magtatangkang mag-import, mag-manufacture, at magbenta ng HHC vapes.
Dagdag ni Padilla, bagama’t ang RA 11900 ay naging batas noong 2021 para i-regulate ang vaporized nicotine at non-nicotine at novel tobacco products, hindi pa dito kasali ang bagong HHC vape.
Kaya naman sa panukalang batas ng senador, layong patawan ng parehong parusa na nakasaad sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) ang mga manufacturer, importer, distributor, retailer at consumer ng vapor products na may HHC. | ulat ni Nimfa Asuncion