Inilabas na ng Senado ang warrant of arrest laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pang mga indibidwal na hindi dumalo sa nakaraang pagdinig ng Senate committee on women tungkol sa operasyon ng mga POGO, kahit pa ipina-subpoena na sila.
Sa arrest order na pinirmahan ni Senate President Chiz Escudero, kabilang sa mga pinapaaresto sina suspended Bamban Tarlac Mayor Alice Lea Guo o Guo Hua Ping, mga kapatid na sina Shiela Leal Guo, Wesley Leal Guo, at Siemen Guo.
Kasama rin ang mga sinasabing magulang ni Mayor Alice na sina Wen Yi Lin, at Jian Zhong Guo, gayundin sina Dennis Cunanan at Nancy Gamo.
Sa arrest order na pirmado ni SP Chiz, binigyan ang Senate Office of the Sargeant -at-arms (OSAA) ng 24 oras para isilbi ang arrest order
Inatasan ang OSAA na arestuhin ang walo at ikulong sa senado hanggang humarap ang mga ito at tumestigo sa susunod na pagdinig ng Senate panel na nakatakda sa July 29.
Sa ngayon ay naka-deploy na ang apat na teams ng OSAA para magsilbi ng arrest order laban sa walo.
Maliban sa arrest order, nilabas na rin ng Senado ang subpoena order laban sa labing limang indibidwal na pinapadalo rin sa susunod na pagdinig ng Senate panel. | ulat ni Nimfa Asuncion