Inaasahan ngayon ng mga magsasaka ang pag-aani ng palay hindi lamang isang beses sa isang taon, kundi dalawang beses, dahil mayroon na silang maaasahang pagkukunan ng suplay ng tubig sa irigasyon para sa kanilang mga palayan bukod sa tubig galing sa ulan.
Kamakailan lamang, isinagawa ang isang Mass Turn-Over Ceremony para sa tatlong Solar Powered Pump Irrigation Projects at isang Communal Irrigation Project kung saan ito ay matagumpay na ginanap sa Sta. Paz IA Hall, Brgy. Sta. Paz, San Isidro, Surigao del Norte.
Ang napakahalagang seremonya ay nakabenepisyo sa 192 na mga magsasaka na may 243 ektarya ng service area mula sa mga munisipalidad ng San Isidro, San Benito, Del Carmen at Sta. Monica, na lahat ay matatagpuan sa kilalang atraksyong turismo, ang Siargao Island.
Dahil sa budget na inilaan sa kanilang mga pasilidad ng irigasyon, sila ay nagpapasalamat sa pagkakataon sa pagpapatupad ng makabagong teknolohiya sa agrikultura, na kinabibilangan ng: Sta. Paz Pump Irrigation Project kung saan mayroon itong karagdagang 5 set ng solar powered pumps na may halagang ₱23.8 milyon, Antipolo Pump Irrigation Project na nagkakahalaga ng ₱4.8 milyon, San Benito Pump Irrigation Project na nagkakahalaga ng P5.2 milyon at repair para sa Libertad Communal Irrigation Project na apektado ng Typhoon-Odette (2021) kung saan ito ay may halagang P6 milyon.
Binigyang diin ni Regional Manager Ruby C. Tuan Jr., NIA – Caraga ang kahalagahan ng pagpapanatili ng regular na komunikasyon sa National Irrigation Administration at iba pang line agencies ng gobyerno para patuloy nilang magagamit sa maraming kapaki-pakinabang na plano, programa at serbisyo.
Hinikayat din aniya, ang mga benepisyaryo na dapat isaalang-alang ang pinakamahusay na pamamahala ng irigasyon sa mga pasilidad upang matiyak na magagamit ng kanilang IA ang mga pasilidad sa mahabang panahon hanggang sa susunod na henerasyon.| ulat ni Dyannara Sumapad| RP1 Butuan