Giniit ni Senate Committee on Women Chairperson Senadora Risa Hontiveros na hindi lang basta procedural o bahagi ng proseso ang paglalabas ng arrest order laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping.
Naaayon rin aniya ito sa madato ng Senado na pangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipino lalo na sa dami ng mga kasinungalingan at posibleng krimen na ginawa ng suspendidong alkalde.
Ayon kay Hontiveros, ang paglalabas ng arrest warrant ng Senado ay unang hakbang pa lang sa pagpapanagot kay Guo.
Sinabi ng Senadora na patuloy nilang hinihintay sa Senado ang kanyang pagdalo sa susunod na pagdinig, kasama na ang lahat ng mga taong nasa listahan na cited in contempt.
Panawagan ni Hontiveros, magpakita na ang mga ito dahil hindi mabubura ng kanilang pagtatago ang katotohanan.
Matatandaang pina-cite in contempt si Guo, mga kapatid at magulang nito at dalawang iba pang pinaghihinalaang sangkot sa operasyon ng iligal na POGO matapos silang bigong humarap sa nakaraang pagdinig ng Senado kahit pa inisyuhan na sila ng subpoena.| ulat ni Nimfa Asuncion