Magpapatupad ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng bagong panuntunan sa foreign exchange transaction ng mga bangko.
Ayon sa BSP, magpapataw sila ng multa ng hanggang isang milyong piso para sa bawat paglabag upang maprotektahan ang katatagan ng piso.
Sa statement na inilabas ng BSP, sinabi nito na inaprubahan ng Monetary Board ang amyenda sa regulasyon ng FX regulations on reporting and penalties para imandato ng Central Bank ang pagkolekta ng mas accurate na impormasyon sa lahat ng transakyon ng FX sa mga bangko.
Ayon sa BSP, sa binagong patakaran mas mahihikayat ang lahat ng bangko na magsumite ng tamang report at paiiralin ang accountability ng mga BSP-Supervised Financial Institutions (BSFIs).
Sa pamamagitan din ng regulasyon, gagamitin ng BSP ang mga naturang FX report sa kanilang policy studies at monitoring ng ekonomiya at financial system. | ulat ni Melany Valdoz Reyes