Itinurn over ng Marcos Jr. Administration ang higit P16 million na presidential assistance para sa provincial government ng Romblon, Oriental Mindoro, at Occidental Mindoro.
Ito ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay kasunod ng tinamong P3 billion halaga ng pinsala sa agri sector sa rehiyon dahil sa pagtama ng El Niño sa bansa, kung saan nasa 34,000 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan.
Bukod dito, namahagi rin ang pamahalaan ng higit P3 million na African Swine Fever (ASF) indemnification.
Ang National Irrigation Administration (NIA) ay nagkaloob rin ng higit P1 milyon na Operation and Maintenance Subsidy para sa mga irrigator’s association.
“Dagdag pa rito, magpapagawa tayo ng irrigation system na nagkakahalaga ng dalawampu’t anim na milyong piso para sa Danao Sur, Dubduban, Gabawan, at Taboboan-Tulay.” —Pangulong Marcos Jr.
Ang Philippine Coconut Authority (PCA), nagkaloob ng 2,200 sako ng Agricultural Grade Salt Fertilizer.
“Ang Agricultural Training Institute ay magbibigay ng financial assistance para sa pagpapatayo ng Farmers Information and Technology Services.” —Pangulong Marcos
Kabilang sa mga ipinamahagi ngayong araw (July 18) ang mga food processing equipment, fiberglass boats, fertilizer discount vouchers, at iba pang farm inputs.
“Samantala, naghanda naman ang TESDA o ang Technical Education and Skills Development Authority ng halos limampung starter tool kits, kasabay ng pagpapatupad ng kanilang Special Training for Employment Program.” —Pangulong Marcos.
Sabi ng Pangulo, ang mga tulong na ito ay bunga ng pagkakaisa ng mga tanggapan ng pamahalaan.
Umaasa ang Pangulo na magagamit nang angkop ang mga tulong na ito, para sa pagpapaunlad pa ng kanilang lalawigan.
“Nawa’y maging susi ito upang madoble ang inyong mga ani, matugunan ang pangangailangan ng mas maraming pamilyang Romblomanon, at mapasigla ang ekonomiya ng MIMAROPA at ng buong bansa.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan