Nais ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. na palawigin ang trial period ng P29 Rice Program ng isang taon.
Ito ay upang makakalap ng sapat na datos at masiguro ang mababang presyo ng bigas para sa mas maraming Pilipino, habang napapanatili ang kita ng mga magsasaka.
Ayon kay Secretary Laurel, layon ng programang ito na matukoy kung posible bang mapanatili ang mababang presyo ng bigas sa mahabang panahon sa pamamagitan ng tulong ng gobyerno.
Sa ilalim ng P29 Rice Program makabibili ng dekalidad na bigas ang mga mahihirap na sektor tulad ng mga indigent, senior citizens, persons with disabilities, at solo parents.
Bukod sa National Food Authority, tinitingnan din ng DA ang suplay ng bigas mula sa kontrata ng National Irrigation Administration sa mga magsasaka na maaaring magsu-suplay sa mga Kadiwa center.
Sinabi pa ni Secretary Laurel, na palalawakin pa ang programa sa ibang lugar sa Luzon sa Agosto o Setyembre, at sa kalaunan ay sa lahat ng 1,500 munisipalidad sa bansa.
Matatandaang sinimulan ang trial run ng P29 Rice Program ngayong buwan sa 10 Kadiwa centers sa Metro Manila at Bulacan. | ulat ni Diane Lear