Positibo si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na kumpleto at komprehensibong maiuulat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation (SONA) ang mga nagawa ng kaniyang administrasyon para tugunan ang mga mahahalagang isyu ng bansa.
Umaasa si Revilla na magiging kalakip din nito ang mga hakbang na gagawin pa ni Pangulong Marcos Jr. para maipagpatuloy pa ang mga magagandang naabot na ng administrasyon nito sa loob ng unang dalawang taon na panunungkulan.
Partikular na nais madinig ng senador sa SONA ang mga susunod na hakbang ng Pangulo sa pagpapabagal ng inflation sa ating bansa.
Kumpiyansa rin ang mambabatas na tatalakayin ng Punong Ehekutibo kung nasaan na ang bansa sa roadmap nito sa pagtitiyak ng food security.
Papakinggan aniya ni Revilla kung ano pa ang gagawin ng administrasyon para maipagpatuloy ang pagtitiyak na may sapat na pagkain para sa bawat Pilipino.
Dinagdag din ng senador na inaasahan din niyang matatalakay sa SONA ang mga paraan para sa pagpapaigting ng ating pambansang seguridad. | ulat ni Nimfa Asuncion