Lumagda sa isang kasunduan ang OFW party-list at Duty Free Philippines Corporation (DFPC) para magbigay ng exclusive discounts sa mga miyembro ng OFW party-list.
Ito ay bilang pagkilala at pagtanaw sa ambag at serbisyo ng mga OFW.
Sa ilalim ng kasunduan, sinabi ni OFW party-list Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino na bibigyan ng hanggang 15% discount ang mga OFW na miyembro ng party-list group sa mga regular items kapag bumili sa Duty Free Fiestamall sa Parañaque City.
Maaari ito i-avail sa loob ng 15 araw mula nang dumating sa Pilipinas.
Pwede rin ito ma-extend kung ang arrival sa bansa ay mula November 15 hanggang January 15.
“Yung mga pasalubong ninyo sa pagbalik-Pinas, dito niyo na bilhin sa Duty Free dahil may 15% discount kayo. Sa panahon ngayon, wais na dapat sa paggastos. Dito sa Duty Free ang mga produkto ay quality na at binebenta pang may diskwento para sa inyo dahil miyembro kayo ng OFW party-list,” saad ni Magsino.
Mayroon din diskwento ang mga miyembro sa partner hotels at establishments gaya ng Kingsford Hotel, Holiday Inn Express Manila, Makati Diamond Residences, at I-Secure Networks and Business Solutions, Inc.
Malaki naman ang pasasalamat ni Magsino sa Duty Free sa pagsuporta sa mga OFW na itinuturing bilang ‘modern day heroes’. | ulat ni Kathleen Jean Forbes