Umaasa si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na mababanggit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes ang tungkol sa pagpapasa ng mandatory ROTC (Reserve Officers’ Training Corps) bill.
Ito ayon kay dela Rosa ay para maengganyo ang mga kasamahan niya sa majority ng Senado na maipasa na ang naturang panukala.
Naniniwala ang senador na kailangan nang maisabatas ang mandatory ROTC bill sa gitna na rin ng mga nangyayari ngayon sa West Philippine Sea (WPS).
Samantala, sa ngayon tinitimbang pa ni dela Rosa kung makakadalo siya sa SONA sa Lunes.
Sinabi ng mambabatas na may posibilidad na siyang makadalo dahil bumubuti na ang lagay ng kanyang tuhod. Iniinda kasi ni dela Rosa ang kanyang osteoarthritis o pananakit ng tuhod. | ulat ni Nimfa Asuncion