Umapela kay Senate President Chiz Escudero ang naaresto at nakaditineng accountant ni suspended Mayor Alice Guo na si Nancy Gamo na palayain muna siya.
Ito habang wala pa aniyang hearing o kaya ay mas maagang gawin ang pagdinig ng Committee on Women para hindi siya matagal sa detention facility ng Mataas na Kapulungan.
Sa July 29 pa kasi nakatakda ang pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Women tungkol sa operasyon ng mga POGO, kaya naman ibig sabihin ay mananatili pa si Gamo sa detention facility hanggang sa petsang iyon.
Matatandaang pinaaresto ng Senado sina Gamo at ang iba, kasama si Mayor Alice, dahil sa hindi nito pagsunod sa subpoena ng Senado para dumalo sa nakaraang pagdinig ng senate panel.
Ayon kay Escudero, ipinadala na niya kay Senate Committee on Women Chairperson Senatore Risa Hontiveros ang letter of appeal ni Gamo.
Sa walong pinapaaresto ng komite ni Hontiveros, tanging si Gamo pa lang ang naaaresto at nasa kustodiya ng Mataas na Kapulungan.
Sinabihan na rin ni Escudero ang mga staff ni Hontiveros, na kung maaaresto na ang iba pang mga inisyuhan ng warrant of arrest ay ikonsidera sana ang mas maagang pagsasagawa ng hearing, bagay na pinag-aaralan naman na ng komite.
Samantala sa isang statement, itinanggi ni Gamo na may kinalaman siya sa anumang negosyo na may kaugnayan sa ni-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Sa ibang negosyo aniya ni Mayor Guo siya nagserbisyo bago pa naitayo ang nasabing POGO hub.
Kaya naman apela ng accountant ng suspendidong mayora, payagan na siyang makauwi.
Tiniyak naman nitong haharap siya sa mga susunod na pagdinig sakaling kailanganin ang kanyang pagdalo. | ulat ni Nimfa Asuncion