Malugod na tinanggap ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang pagpili sa kanilang lungsod para pagdausan ng taunang Brigada Eskuwela 2024.
Sa pag-arangkada ng Brigada Eskuwela para sa National Capital Region, sinabi ni Mayor Sotto na marami pang dapat gawin para mapagbuti ang kalagayan ng mga silid aralan na siyang pangunahing hamong kinahaharap tuwing pasukan.
Ayon pa sa Alkalde, ang tagumpay aniya ng Brigada Eskuwela ay ang Bayanihan ng mga stakeholder partikular na ng mga pamunuan ng Paaralan, mga magulang, estudyante at ng pribadong sektor.
Kasunod nito, tiniyak ni Mayor Sotto na makaaasa ng suporta mula sa kanila ang DepEd dahil sa pagpupursige nitong paghusayin pa ang sektor ng edukasyon sa bansa.
Ginawa ng Alkalde ang pahayag matapos nitong buksan ang isinagawang programa sa Rizal High School bago ang seremonyal na paglilinis ng mga silid aralan. | ulat ni Jaymark Dagala