Umaasa ang House leadership na maliban sa mga nakabinbin na LEDAC priority measures sa Senado ay umusad na rin ang ilan sa mga local bills na inihain ng mga kongresista.
Sa isang panayam kay Speaker Martin Romualdez, sinabi niyang naipaabot na niya ang hiling ng mga kasamahang mambabatas sa bagong liderato ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Chiz Escudero.
“Marami kami ang local legislation, yung parochial concerns ng kada kongresista. So sinabi naman natin kay Sen. Chiz Escudero, kung pwede matingin ninyo as a priority din kasi wala naman itong kaso. So in other words, hindi siguro mahirapan kayo i-debate ito sa Senado kasi parochial ito, kada distrito may mga concerns.” sabi ni Speaker Romualdez
Nangako naman aniya ang senate president na bibigyang prayoridad na matalakay at mapagtibay ang dalawa sa pinaka mahahalagang lokal na panukalang batas ng kada district congressman.
“Maganda yung pag uumpisa natin ngayon sa mga meetings natin kasi approved agad ni Senate President Chiz (Escudero) na tatapusin nila lahat ng mga top 2 prioritily legislation ng mga congressman of local significance, yung mga parochial concerns.” dagdag niya
Sa kabuuan, mula July 25, 2022 o pagsisimula ng 19th congress, hanggang June 30, 2024, mayroong 518 local bills ang naaprubahan ng Kamara na naghihintay ng aksyon ng Senado.
Sa July 22, magbabalik sesyon ang Kongreso. | ulat ni Kathleen Forbes