Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na mananatiling matatag ang presyo ng palay sa P17 hanggang P30 kada kilo upang masiguro ang malaking kita ng mga magsasaka mula sa kanilang ani.
Sa pakikipagdiyalogo sa mga magsasaka sa Mindanao, sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson, na ang nasabing presyo ay mananatili maliban na lamang kung babaguhin ng NFA Council ang buying price para sa malinis at tuyong palay.
Sa naturang diyalogo, ibinalita rin ng mga magsasaka ang mas mataas na produksyon at malaking pagtaas ng kanilang kita dahil sa suporta ng gobyerno tulad ng mga subsidy sa makinarya at binhi, at nabawasan ang gastos sa paggawa dahil sa mekanisasyon.
Batay sa datos ng NFA, sa unang kalahati ng taon, nakapagtala ang ahensya ng 3.5 milyong toneladang palay na nabili.
Sinabi ni Lacson, na ipagpapatuloy ng NFA ang pakikipagtulungan sa mga magsasaka at iba pang stakeholder sa industriya upang matugunan ang mga hamon at mapabuti ang sektor agrikultura, at kabuhayan sa buong bansa. | ulat ni Diane Lear