Bilang paghahanda sa nalalapit na pasukan, namahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng libreng school uniforms at school kits sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Nasa 80,000 na mga mag-aaral sa elementarya, kabilang ang mga estudyante ng Alternative Learning System (ALS) at Special Education (SPED) ang nabigyan ng tulong.
Ayon sa Valenzuela LGU, layon ng programa na matiyak na handa ang mga mag-aaral sa pagbubukas ng klase sa July 29.
Ang bawat mag-aaral ay nakatanggap ng dalawang set ng uniporme at isang school kit na naaayon sa kanilang grade level.
Naglalaman ang mga school kit ng mga gamit pang-eskwela tulad ng notebook, lapis, ruler, krayola, at iba pa, pati na rin ng lunchbox at tumbler.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, tiniyak ng Valenzuela LGU na may access sa dekalidad na edukasyon ang bawat bata sa lungsod at walang maiiwan. | ulat ni Diane Lear