Hindi lang ang mga bangko at airlines ang apektado ng naganap na CrowdStrike Global Software Issue na nag-umpisa kahapon dahil pati ang mga system ng container ports gaya sa International Container Terminal Inc. (ICTSI) ng Manila Port ay apektado rin ng nasabing pandaigdigang IT outage.
Ayon sa advisory na inilabas ng ICTSI, bilang user ng CrowdStrike, naapektuhan nito ang kanilang mga Windows System sabay hingi ng paumanhin at pasensya sa mga naapektuhan nang naganap na pagkaantala.
Bandang 5:30 ng hapon kahapon ay naibalik na agad sa normal ang operasyon ng ICTSI matapos maisaayos ang kanilang system na naapektuhan ng software issue.
Samantala, nilinaw naman ng Asian Terminal Incorporated (ATI) na hindi ito gumagamit ng CrowdStrike sa kanilang systems kaya hindi nito naapektuhan ang kanilang operasyon sa ATI South Harbor at sa Batangas.
Gayunpaman, nagbigay pa rin ito ng payo sa mga gagamit ng kanilang ATI E-payment na maaari pa rin silang makaranas ng mga pagkaantala at temporary availability dahil sa patuloy na epekto ng nasabing issue sa ilang bangko. | ulat ni EJ Lazaro