Handa na ang Senado sa pagbubukas ng Third Regular Session ng 19th Congress ngayong araw.
Ngayong alas-10 ng umaga magbubukas ang sesyon ng Senado, matapos nito ay magtutungo ang mga senador sa Batasang Pambansa para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mamayang hapon.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, kabilang sa mga pagtutuunan nila ng pansin ang mga panukalang batas na napagkasunduan sa naging LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council) meeting.
Kasama sa 10 panukalang batas na napagkasunduan ang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA); Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) bill; at ang amyenda sa Foreign Investors’ Long-Term Lease Act.
Prayoridad rin ang mga panukalang reporma sa Philippine Capital Market; panukalang Archipelagic Sea Lanes Act; amyenda sa Right-of-Way Act; panukalang Excise Tax sa Single-Use Plastics; Rationalization ng Mining Fiscal Regime; Department of Water Resources bill; at amyenda sa Rice Tariffication Law.
Inaasahan ring magkakaroon na ng sesyon ang Mataas na Kapulungan tuwing Huwebes para mas mapabilis ang pagpapasa ng mga panukala at madagdagan ang kanilang session days bago ang 2025 Midterm Elections. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion