Patuloy na pinag-iingat ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang kanilang mga residente partikular na ang mga nakatira sa mababang lugar.
Ito’y dahil sa patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa Ilog Marikina bunsod ng walang tigil na pag-ulang dala ng bagyong Carina at ng hanging habagat.
Batay sa 9:40am Update ng Marikina City Rescue 161, pumalo na sa 17.7 meters ang lebel ng tubig sa naturang ilog at nananatili ito sa ikalawang alarma.
Sa kasalukuyan, nasa siyam na evacuation centers na ang binuksan sa iba’t ibang bahagi ng lungsod para tumanggap ng mga residente na piniling lumikas dahil sa masamang panahon.
Posible pang madagdagan ito habang nagpapatuloy ang mga nararanasang pag-ulan. | ulat ni Jaymark Dagala