Magkakaroon ng Senate inquiry ang Senate Committee on Public Works na pinamumunuan ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., tungkol sa pagiging epektibo ng flood control projects ng pamahalaan.
Ito ay matapos ang naranasang malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit pang lugar dulot ng habagat at Bagyong Carina.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, layon ng ikakasang pagdinig na i-assess ang kasalukuyang estado ng flood control systems at makagawa ng solusyon para matiyak na magiging epektibo ang mga ito lalo na kapag may bagyo o malakas na buhos ng ulan.
Pinunto ng Senate leader na nasa P255 billyon ang alokasyon para sa flood control projects ng DPWH sa ilalim ng 2024 national budget pero tila hindi aniya ramdam ang mga proyektong ito.
Kaugnay nito, nanawagan din si Escudero sa DPWH at sa MMDA na tuldukan na ang ganitong malawakang pagbaha.
Dapat aniyang makipagtulungan ang DPWH at ang MMDA sa mga lokal na pamahalaan sa pag-iinspeksyon ng mga binabahang lugar at pagkatapos ay magrekomenda ng medium at long-term na solusyon para maiwasan na ang pagbaha. | ulat ni Nimfa Asuncion