Tuloy-tuloy ang pag-arangkada ng Walang Tulugan Serbisyo Caravan ng pamahalaang lungsod ng Malabon para sa mga residente na labis na napinsala ng bagyong Carina.
Matapos ang caravan rollout sa Brgy. Panghulo, magpapatuloy naman ngayong araw sa Brgy. Tinajeros ang serbisyo ng LGU kung saan magkakaroon ng medical mission.
Mayroon ding libreng legal at civil registry consultation para sa mga ligal na dokumento (birth certificate, marriage certificate) at Mobile Kitchen.
Ayon sa LGU, ang programa ay bahagi pa rin ng misyon ng pamahalaang lungsod na matulungan ang mga residente na makabangon mula sa epekto ng bagyong Carina.
Bukod naman sa serbisyo caravan, tuloy-tuloy rin ang pag-iikot ni Mayor Jeannie Sandoval para mamahagi ng relief goods sa mga residenteng binaha sa lungsod. | ulat ni Merry Ann Bastasa