Pormal nang nagsimula ang balik-eskwela sa Pasig City ngayong araw matapos itong maantala kahapon matapos kulangin ang oras sa paghahanda dahil sa habagat at nagdaang bagyong Carina.
Sa Rizal High School halimbawa, alas-5 pa lamang ng umaga, nagsisimula nang magsipasukan ang mga estudyante kahit alas-7 pa ng umaga ang klase.
Bakas sa mukha ng mga estudyante ang pagiging excited para bumalik sa paaralan upang matuto ng mga bagong kaalaman.
July 22 pa lamang nang magsimulang maghanda ang nabanggit na paaralan sa ilalim ng Brigada Eskwela subalit naunsyami ito dahil sa nangyaring pagbaha.
Sa kabuoan, nasa 22 Elementarya, gayundin ay 14 na Junior at Senior High School ang nagbukas ang klase ngayong araw.
Gayunman, nasa tatlong paaralan ang magbubukas pa lamang ng klase sa August 1 habang ang anim na iba pa ay sa August 5 partikular na iyong mga naapektuhan ng pagbaha.
Samantala, dahil sa tabi ng kalsada ang Rizal High School, kapansin-pansing ang mga tauhan ng LTO na nakabantay sa seguridad ng mga mag-aaral sa lansangan at naninita ng mga sasakyang bumubusina lalo’t bawal ito sa school zone. | ulat ni Jaymark Dagala