Pinag-iingat ng Land Transportation Office (LTO) ang publiko laban sa pakikipagtransaksyon sa mga fixer partikular na ang namemeke ng resibo at iba pang dokumento ng ahensya.
Kasunod ito ng pagkakadakip ng dalawang fixer ng LTO Regional Office 10 at ng City Intelligence Unit ng Cagayan de Oro City Police, sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya.
Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, bago sila naaresto isang impormante ang nagsuplong sa pulisya tungkol sa natanggap na pekeng LTO Official Receipt para sa kanyang sasakyan.
Ang isang babae na nahuli ang itinuturong kasabwat sa pamemeke ng mga dokumento. Nakuha sa kanila ng mga awtoridad ang mga pekeng LTO OR, Certificates of Registration (CR), driver’s license, at mga gamit sa paggawa ng mga pekeng dokumento. | ulat ni Rey Ferrer