Santambak na basura ang nahakot ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos ang ikinasa nilang clearing operations sa Brgy. Tumana sa Lungsod ng Marikina.
Partikular na sinuyod ng DENR ang creek kung saan, nahukay ang mga inanod na plastic, sanga ng puno, plywood, at iba pa na siyang nagpapuno sa mga sakong dala ng operations team.
Nabatid na naatasan ang DENR na tumulong sa paglilinis sa Brgy. Tumana na nalubog sa baha noong umapaw ang Ilog Marikina sa kasagsagan ng mga pag-ulang dala ng hanging habagat na pinaigting ng bagyong Carina.
Nagresulta ito sa pagsampa ng putik na dala ng rumaragasang tubig sa ilog na siyang bumalot din sa buong barangay.
Samantala, kapit-bisig naman ngayon sa paglilinis ang Marikina LGU Parks and Development Office gayundin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa iba pang mga barangay sa lungsod. | ulat ni Jaymark Dagala