Arestado ng National Bureau of Investigation ang pitong Chinese nationals na sangkot sa credit card fraud at nagtangka pang manuhol sa mga operatiba ng ahensya.
Iniharap ni NBI Dir. Jaime Santiago sa media ang pitong suspek na sina Sun Jie, Lee Ching Ho, Jenny Pan, Zhao Zheng, Dong Jangua, Yuan Bien at Shap Wen Hu na naaresto sa magkasunod na entrapment operations sa Parañaque at QC.
Ayon kay Santiago, unang naaresto noong July 27 sina Sun Jie at Lee Ching Ho at sumunod ang lima pa dahil sa panunuhol ng P1.5 milyon sa NBI para maabswelto ang kanilang ‘boss’.
Nasamsam din sa sasakyan ng mga ito ang ilang mga baril, magazine, mga bala at military grade smoke grenade.
Sa imbestigasyon ng NBI, lumalabas na bahagi ng isang transnational organized group ang mga ito na nag-o-operate sa Pilipinas at may modus na vishing, smishing, phishing, at click-baiting kung saan ang biktima ay umaabot hanggang Europe.
Ayon sa NBI, dahil sa ban sa POGO, nagkukumahog na ang mga grupong gaya nito na maghanap ng Point-of-Sale (POS) device para makuha ang pera ng kanilang mga biktima na mula sa offshore accounts. Nag-aalok pa aniya ang TOC group sa kanilang mga kasabwat ng 20% ng halaga pagkatapos itong ma-convert sa cash.
Ito naman ang ginamit ng mga operatiba ng NBI na nagkunwaring nagmamay-ari ng kinakailangang POS device para ma-entrap ang mga suspek.
Nasampahan na ng kasong paglabag sa RA No. 11449 (Access Devices Regulation Act) at Article 212 of the Revised Penal Code (Corruption of Public Officials) sina Sun Jie at Lee Ching Ho habang kasong paglabag naman sa Article 212 ng the Revised Penal Code at RA No. 10591 (Comprehensive Firearm and Ammunition Act) ang isinampa sa lima pang suspek. | ulat ni Merry Ann Bastasa